Catholic Prayer : Fr. Pete Montallana, President of Save Sierra Madre Network

Sa ngalan ng Ama, ng Diyos at ng Espirito Santo. Mapagmahal na Ama, di namin masukat ang iyong pagmamahal sa buong sangnilikha. Magmula sa mga damo hanggang sa napaka-komplikadong katawan ng mga may buhay. Nakakamangha ang iyong mga ginawa. Salamat din sa Pilipinas na para bagang mga perlas na mudmud mo sa dagat, Mayaman sa isda, punong-puno ng biodiversity ang kabundukan at kinakainggitan ang mga mineral sa ilalim ng lupa.

Nakakalungkot lamang mahal na Ama, na sa gitna ng kayamanan na regalo mo naranasan at nararanasan namin ang malagim ng kasaysayan na bunga ng pag-aangkin ng Inang Kalikasan na naging dahilan na rin ng walang habas na pagkasira ng kalikasan. Gutom ang nararanasan ng nakakaraming Pilipino sa gitna ng nauubos na kalikasan ang dapat na para sa lahat ay naging swimming pool ng iilan.

Ganoon pa man ay pinadala mo ang tagapag-ligtas na si Hesus sa pamamagitan ni Pope Francis na siyang naghamon na ayusin namin ang mga balangkas ng kawalan ng pagkaka-pantay-pantay sa matinding panganib ng global warming. Pinapukaw niya ang diwa ng pagka-habag at katarungan para sa mga dukha at para sa kalikasan. Lahat po kami ay nagkasala, sa direktang maka-sariling paggamit ng kalikasan at kahit na global warming na ngayon, di nakikisangkot kaya’t business as usual pa ang ugali namin.

Pasiglahin ninyo po kami ng Espiritu ni Hesus, sa amin na buong tapang na nawagan ng pagbabalik loob sa Kanya. Ecological conversion ang susi sa kinabukasan. Nawa’y patuloy mo kaming liwanagan, maging mapagtuklas ng mga alternatibong pamamaraan para makumpuni ang nasisirang kalikasan.

Nawa’y patapangin kami ng krus ni Hesus na huwag aatras sa pagtatanggol ng kalikasan. Nawa’y pagkalooban kami ng pag-asa na sa Kanyang muling pagkabuhay, magtatagumpay ang Dyos sa kasakiman at kasinungalingan, sa kapangyarihan ng mahal na Ama. Makakayanan naming talikuran ang kasalanan at iaalay namin ang aming sarili sa pagtatayo ng bagong langit at bagong lupa. Amen.

share

Leave a Reply